Paggamit ng manual manner sa barangay at SK election, ipinaliwanag ng COMELEC Legazpi

LEGAZPI CITY – Binigyang-linaw ng Commission on Elections (COMELEC) Legazpi kung bakit manu-mano o manual manner ang ginagamit sa pagboto tuwing barangay at SK elections at hindi automated katulad sa national elections.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay COMELEC Legazpi Election Officer, Connie del Castillo, sinabi niyang manual pa rin ang magiging manner ng darating na eleksyon sa Oktubre ngayong taon na nangangahulugang ang mga boboto ay bibigyan ng mga balota at doon isusulat ang pangalan ng kandidatong iboboto.

Ayon kay del Castillo, ang mga balota sa automated election system ay prescint-specific, ibig sabihin, nakatiyak lamang ang mga balota sa vote counting machines (VCM), at kung ilalagay ang balota sa ibang machine ay hindi naman ito babasahin.

Paliwanag niya, kung ganitong uri umano ang gagamitin tuwing barangay at SK elections, magiging magastos dahil marami ang mga kandidato bawat barangay at iko-configure nila ang mga VCM sa lahat ng mga barangay na lubhang napakamatrabaho.

Napakahaba umano ng magiging proseso at paghahanda para rito, kung sakali at para sa kanya, baka abutin pa ng isang taon.

Samantala, sa ngayon, ilang buwan bago ang mismong eleksyon ay naghahanda na ang kanilang tanggapan para sa mga papalapit na aktibidad na may kinalaman dito katulad ng filing ng Certificate of Candidacy sa Hulyo 3-7.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *