Pagpasa sa Maharlika Investment Fund bilang batas, wala umanong halong pulitika ayon sa isang economic analyst

LEGAZPI CITY – Nilinaw ng isang economic analyst sa lalawigan ng Albay na walang halong pulitika ang pagpapasa sa Maharlika Investment Fund bilang batas sa bansa.

Ito ay kasunod ng ilang mga agam-agam ng mga Pilipino tungkol sa nasabing batas.

Ngunit ayon sa economic analyst na si Dr. Clea Bongat, positibong hakbang ito para sa ikauunlad ng Pilipinas.

Sa panayam sakanya, sinabi niya na hindi rin dapat ito mahaluan ng anumang pulitikal na usapin upang maging maunlad ang ekonomiya.

Aniya, nawa’y mabigyan ng tiwala ang mga taong mula sa gobyerno na nasa likod ng batas na ito sapagkat pinag-aralan naman nila ito at tinitignan nilang positibo ang magiging epekto nito kahit magkakaroon ito ng ilang mga sakripisyo.

Subalit sa huli umano, ito naman ang magiging pundasyon upang ma-facilitate ang economic development ng bansa sa hinaharap.

Samantala, ayon kay Bongat, ilan din sa tinitignan niyang dahilan ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng agam-agam sa MIF ay ang pagdududa na magagamit ang pondo sa korapsyon.

Ngunit kailangan tingnan ito aniya sa positibong pananaw – kung hindi kasi magkakaroon ng gayong inisyatibo, hindi mapapadali ang pag-unlad ngayong umakyat na sa mahigit 100milyon ang populasyon sa Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *