Pagpasok sa loob ng dinarayong Tulay na Bato Chapel tuwing Biyernes pinapayagan na ayon sa LGU

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Lokal na Pamahalaan na pinapayagan ang mga religious gathering tulad ng pagdaraos ng misa sa mga simbahan at kapilya.

Kasama na umano dito ang dambana ng Poong Nazareno sa dinarayong Tulay na Bato Chapel tuwing araw ng Biyernes sa bayan ng Basud, Camarines Norte.

Tugon ito ni Mayor Adrian Davoco sa naging panayam ng Brigada News FM Daet matapos na matanong kung pwede na ba ulit magpapasok ng mga tao sa loob ng naturang kapilya para magdasal.

Matatandaan kasi na nang magsimulang pumayag ang gobyerno na magsagawa ng mga pagtitipong pang relihiyon noong Hunyo 2021 ay sumulat ang pamunuan ng Parish of St. Raphael the Archangel sa LGU na huwag na munang payagang buksan ang naturang kapilya.

Sa liit daw kasi nito at sa dami ng mga deboto ay siguradong hindi masusunod ang social distancing na posibleng maging dahilan pa ng hawaan ng sakit.

Mula noon ay hindi na rin nagsagawa ng misa sa lugar.

Pero kamakailan lang ay naging kapansin- pansin na may pagkakataong binubuksan ito at pinapayagang makapasok ang mga tao sa loob.

Paliwanag ng Alkalde na ang patakaran talaga ay pwede pero kailangang masunod ang health protocol tulad ng social distancing.

“Actually po pagdating po sa religious event o religious gathering pinapayagan na po natin, nagpapamisa na po tayo may mga Sunday services na po tayo na nakikita,” ani Davoco.

“Kasi kung titingnan po natin isa po itong private property, so siguro ang importante na lang po doon na hindi magsiksikan ang tao specially na maliit po yung chapel sa Tulay na Bato so, siguro additional na isipin na lang ng ating mga Barangay Tanod at ng ating mga kapulisan, during the time na nagbabantay sila every Friday diyan sa Tulay na Bato. Papayagan po basta wag lang po magkumpulan sa loob pero right now po ata as we observe wala pong mass.”

Sinabi pa ng Alkalde na handa na ang Basud na ibaba sa Alert Level 1 dahil sa mataas na nitong COVID- 19 vaccination coverage.

Sa datos ng Provincial Covid- 19 Vaccination Operation Center hanggang alas 6 ng umaga nitong Hunyo 2, nasa 79. 9 percent na ang vaccination coverage sa naturang bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *