Pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 muling naitala sa Bicol, pero Camarines Norte walang bagong kaso

CAMARINES NORTE- Nagkaroon na naman ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Bicol Region.

Batay ito sa datos ng Department of Health mula April 2 hanggang April 8, 2023, nagkaroon ng 26.31 % na pagtaas kumpara sa nagdaang linggo  o March 26, hanggang April 1, 2023.

Gayunman sa panahong ito ay walang bagong kaso ang naitala sa Camarines Norte ayon naman kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco.

Huling nakapagtala ng dalawang kaso ang lalawigan noong bago mag semana santa pagkalipas ng mahigit dalawang buwan na nagmula  sa Capalonga at Talisay.

Sa presenteng datos ng Provincial Health Office, pumalo na sa 4, 643 ang kabuuang kaso ng COVID- 19 ang naitala sa lalawigan ng Camarines Norte mula 2020.

Sa labingdalawang bayan ang Daet ang may pinakamaraming naitalang kaso na nasa 1, 502.

Sinusundan naman ito ng Labo na may 692 at Jose Panganiban na may 406.

Nasa 372 naman ang naitalang kabuuang kaso sa Basud, 363 sa Vinzons, 341 sa Talisay, 241 sa Paracale, 209 sa Mercedes, 199 sa Sta Elena, 121 sa San Lorenzo Ruiz, 113 sa San Vicente at ang pinakakaunti ay sa Capalonga na may 84.

Umaabot naman sa 276 o 5. 94 % ang mga nasawi dahil sa sakit.

Pinakamarami ang nasawi sa  Daet na may 69 at Labo na mayroon namang 49.

Umaabot naman sa 4, 366 ang nakarekober sa sakit o  94. 3 %.

Dahil naman sa naitalang pagtaas muli ng mga bagong kaso ng COVID- 19 sa rehiyon ay muling nagpaalala ang DOH sa kahalagahan ng pag-isolate at pananatili sa bahay kung nakararanas ng flu-like symptoms tulad ng lagnat, ubo, sipon, sore throat at iba pa.

Sa isang pahayag na ipinalabas ng ahensiya nitong Huwebes, April 13, hinihikayat nito ang pagsuot pa rin ng face mask lalo na sa matatao at kulob na lugar.

Ugaliin rin ang tamang paghuhugas ng kamay at paggamit ng 70% alcohol-based sanitizer.

Itong mga paraan na ito ay mahalaga upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 at iba pang mga nakahahawang sakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *