PDEA Albay, naghihintay ng resulta ng drug tests sa 3 suspek sa drug buy-bust ops sa Legazpi City; patung-patong na kaso, isinampa

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Albay na boluntaryong magpapa-drug test ang tatlo kataong naaresto sa kamakailang pagbuwag at pagsalakay sa isang drug den sa Brgy. San Roque, Legazpi City.

Ang mga suspek ay kinilalang sina (1) Ryan Alcantara y Ostero, 40 anyos, residente ng nasabing barangay, maintainer at may-ari ng drug den; (2) Jay-ar Sarmiento 22 anyos, residente rin ng kaparehong barangay na vistor sa drug den at (3) Ronald Vibal Laplaya, 28 anyos, residente ng Brgy. Bonot na bumisita rin sa drug den.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PDEA Albay head, Noe Sallan Briguel, sinabi niya na hihintayin nilang magkaroon ng resulta ang drug test na isasagawa sa kanila, at kung magpositibo, madaragdagan pa ang mga kasong isasampa sa kanila.

Maliban umano sa iba pang kaso, posibleng maharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 15 o ang “Use of Dangerous Drugs” ng Republic Act 9165 na mas kilalang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” kung magpositibo ang isasagawang test.

Samantala, ayon sa kanya, ang suspek na may-ari ng bahay ay kakasuhan ng paglabag sa Section 5 ng nasabing batas o ang pagbebenta ng iligal na droga, Section 6 bilang maintainer ng drug den, Section 11 o possession of dangerous drugs dahil maliban sa naipabili sa buyer, may ilan pang droga na nakumpiska sakanya.

Bukod dito, dahil kumpirmadong may mga aktwal na gumagamit ng droga sa mismong drug den, mayroong mga drug paraphernalia kung kaya’t kakasuhan pa ito ng paglabag sa Section 12 o ang possession of equipment, instrument, apparatus and other paraphernalia for dangerous drugs.

Ang dalawa namang suspek na naaktuhang gumagamit ng droga sa drug den ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 7 o ang employees and visitors of a den, dive or resort.

Kung babalikan, nito lamang nakaraang Martes nang gabi, Mayo 16, nang arestuhin ng mga otoridad ang tatlong suspek sa illegal drug buy-bust operation, kung saan pinagbentahan ng mga ito ang isang undercover agent ng nasabing item sa halagang PHP1,000.

Maliban dito, nasamsam sa operasyon ang aabot sa PHP65,000 halaga ng droga.

Ayon pa kay Briguel, hindi lamang bastang drug buy-bust ang nangyari noong gabing iyon ngunit isa na umanong pag-dismantle o pagbuwag ng nabanggit na drug den.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *