PHO iginiit na dapat magpabakuna kontra COVID- 19 ang mga benepisyaryo ng 4P’s

CAMARINES NORTE- Iginiit ng Provincial Health Office na dapat magpabakuna kontra COVID- 19 ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s lalo na ngayong darating na malawakang bakunahan sa November 29 hanggang December1.

Ayon kay acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, bagamat hindi specific na binabanggit sa 4P’s law ang COVID- 19 vaccine ay kasama umano sa kondisyon para mabigyan ng grant ang isang benepisyaryo.

Paliwanag ni Francisco na kabilang sa mga kondisyon sa 4P’s ay ang pagpunta sa health center upang magpatingin kasama na ang pagpapabakuna.

Kung patuloy umanong tatanggi ang mga benepisyaryo ng programa na magpabakuna ay maaaring ilista ng social worker ang pangalan upang ma- reprimand at ipaliwanag sa kanila na requirement sa pagtanggap ng grant ang bakuna.

“Ang 4Ps po binibigay natin sa kanila dahil ang purpose natin ay bumalik sila sa eskwelahan yung kanilang mga anak, bumalik sila sa health center para magpapatingin o magpapabakuna at yun nga may mga iba pang criteria ano, pero dun sa sinasabi natin na bumalik sila sa kanilang health center magpapakunsulta at magpapabuka isa yan sa requirements paaa bigyan sila ng 4Ps fund,” ani Francisco.

Ayon pa kay Francisco kailangan talagang pursigihin na ang mga ito at puntahan sa barangay upang himuking magpabakuna para na rin sa kanilang proteksyon kontra COVID- 19 at agarang maabot ang herd immunity.

Kung maaalala ay una nang inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) hindi nila patakaran ang “No bakuna No ayuda.”

Ang sa kanila lamang umano ay himukin at paliwanagan ang mga benepisyaryo ng 4P’s na magpabakuna.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *