PNP tiniyak na magiging “neutral” ngayong darating na eleksyon

CAMARINES NORTE – Tiniyak ng isang Chief of Police sa lalawigan ng Camarines Norte na magiging “neutral” at hindi makikisasawsaw sa ingay ng pulitika ang mga kapulisan.

Sa kaniyang kauna- unahang pagharap sa mga kawani ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Basud sinabi ni PMaj Melvin Atacador na makakaasa ang lahat na sila ay magiging patas sa mga kandidato ng kahit na sinong partido.

Alinsunod umano ito sa kautusan ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos na kanila umanong  susundin.

Humingi rin ng paumanhin si Atacador sa kaunting abalang dulot ng Comelec checkpoint

Paliwanag ng opisyal na asahan na umano na dalawang beses ang checkpoint na kanilang gagawin kada araw, ang isa ay dictated ng Police Provincial Office at ang isa ay inisyatiba ng Municipal Police Station anumang oras sa araw man o gabi.

Ginagawa umano ito ng kapulisan para maiwasan ang anumang hindi kaaya- ayang pangyayari na may kaugnayan sa eleksyon.

Mababatid na nagsimula ang election period at gun ban noong January 9 na magtatapos sa June 8 nitong taon.

Makakaasa rin umano ang mga taga Basud na bababa ang kapulisan sa mga barangay upang palakasin ang ugnayan nito sa komunidad.

Nagpaalala rin si Atacador sa lahat na sundin ang ipinapairal na health protocol kontra COVID- 19 at huwag nang maghintay na may maparusahan o makulong para lang sumunod.

Ito naman daw ay para sa kabutihan ng nakakarami upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Si Atacador ay itinalagang bagong hepe ng Basud MPS noong nakaraang linggo bago pumasok ang election period.

Leave a Reply

Your email address will not be published.