Post blast investigation sa nangyaring pagsabog sa Masbate, isinagawa na ng EOD Team

Nagsagawa na kahapon ng post-blast investigation ang Prov’l Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit (PECU) sa Brgy Marcella sa bayan ng Uson, Masbate; ang lugar kung saan nagkaroon ng panibagong pagsabog, gabi noong Lunes, Marso 27.

Sa pahayag sa Brigada News ng Uson MPS, kahapon ng umaga lang, Marso 28, nagkaroon ng pagkakataon ang EOD team, dahil kinakailangan pa na gawin ang clearing operations sa nasabing erya, kung kaya’t naisagawa ang nasabing imbestigasyon.

Sa ulat na ipinalabas kahapon lamang ng Masbate PPO, isang pulis ang nasugatan sa malakas na pagsabog sa gilid ng kalsada.

Kinilala ang pulis na si Pat Ragan Tumbaga Victor ng 4th Platoon 2PMFC na nakatalaga sa bayan ng Cataingan, agad namang nalapatan ito ng lunas makaraang itakbo sa isang detachment sa Brgy Armenia ng nasabing bayan.

Naniniwala ang pinuno ng 2MFC na si PMaj Carlos Estonilo Jr. na ang mga suspek sa nasabing roadside bombing ay mga miyembro ng rebeldeng grupong NPA at target ng mga ito ang 2PMFC na kasalukuyang nakabase sa Brgy Marcella.

Ayon pa sa opisyal kasalukuyan umano silang nagbibigay security sa mga kamakailang na-download na tauhan nang sumabog ang isang improvised explosive device.

Matatandaan na dahil sa sunod-sunod na karahasan na isinasagawa ng rebeldeng grupo, mismong ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang nagbigay ng kautusan ng karagdagang puwersa sa lalawigan kung kaya’t nagdeploy ang pamunuan ng PNP ng mahigit 800 na tauhan sa Masbate kung saan ang 659 dito ay idineploy sa mga paaralan para magbigay ng seguridad habang ang 200 ay karagdagang personnel mula sa RMFB5 at PMFC ng Masbate.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *