Pre-disaster risk assessment, isinagawa ng RDRRMC kaugnay ng peligrong posibleng idulot ng bulkang Mayon

LEGAZPI CITY – Isinagawa ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) ang kanilang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) upang talakayin ang mga hakbang sa paghahanda oras na pumutok ang bulkang Mayon.

Dinaluhan ito ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at tanggapan kabilang ang APSEMO, DSWD, PHIVOLCS, DOH, at iba upang pag-usapan ang nabanggit na paghahanda.

Sa pagpupulong ay inilahad ni Dr. Paul Alanis, OIC ng Mayon Observatory mula sa PHIVOLCS ang kanilang obserbasyon sa bulkan mula Setyembre 26 hanggang Oktubre 9 kung saan patuloy umano ang pamamaga nito at nakita rin ang faint crater glow noong mga nakaraang araw. Ibinigay naman ng APSEMO ang mga plano kung saan sinabi ng namumuno nito na si Dr. Cedric Daep na nagkakaroon ng sila ng pag-update ng mga apektadong populasyon sa 6km PDZ at sa extended 8km PDZ.

Ang iba pang mga tanggapan at mga dumalong LGUs ay nagbahagi rin ng mga paksa, hakbang, at mga plano kaugnay ng nabanggit na sitwasyon.

Pinaalalahanan naman ng mga tanggapan ang publiko na ipagdasal na huwag pumutok ang bulkan, ngunit mainam pa rin umano na magkaroon ng plano upang maging handa sakaling itaas na sa alert level 3 ang status nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *