Pre-emptive evacuation, isinagawa na sa coastal town ng Maconacon, Isabela

Nagsagawa na ng pre-emptive evacuation ang Isabela PDRRMC sa mga mamamayan sa coastal town ng Maconacon dahil sa banta ng bagyong Kiko.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PDRRM Officer Ret. Gen. Jimmy Rivera, nasa 68 families na kinabibilangan ng 183 na mga indibidwal sa pitong barangay ang inilikas na sa iba’t-ibang evacuation center sa naturang bayan.

Maliban dito ay inaasahan din aniyang magsasagawa na rin ng pre-emptive evacuation sa bayan ng San Pablo, Divilacan at Palanan na kabilang sa mga lugar na nakataas sa Signal Number 2.

Ayon kay PDRRMO Rivera, sa ngayon ay hindi inaasahan ang widespread flooding dahil kaya pa naman ng Cagayan River subalit pinangangambahan aniya ang daluyong o storm surge sa coastal areas.

Inaasahan aniya na tatama sa kalupaan ang super typhoon Kiko mamayang alas-2 ng hapon hanggang mamayang gabi bagaman sa probinsya aniya ng Cagayan ang sentro ng bagyo ay apektado ang Isabela sa wind band nito.

Patuloy naman ang panawagan ng opisyal sa mga mamamayan na lumikas na habang maaga pa dala ang kanilang mga mahahalagang kagamitan o dokumento upang maiwasan na magkaroon ng pinsala at casualties.

Samantala, ngayong araw ay idineploy na ang nasa 831 na rescuers bilang karagdagang pwersa sa mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa paghagupit ng bagyong Kiko.

Naka-preposition na rin aniya ang lahat ng kanilang mga assets o kagamitan sa pagresponde at nakahanda na sa oras na kailanganin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *