Provincial Tourism Office at Matnog LGU, kinondena ang mga nagsasagawa ng ‘illegal island hopping’ na hindi dumadaan sa LGU tourism office

Mariing kinondena ng Sorsogon Provincial Tourism Culture and Arts Office (PTCAO) at Pamahalaang Bayan ng Matnog ang mga nagsasagawa ng ‘illegal island hopping’ sa mga tourist destinations ng Matnog, ito’y matapos na maitala ang pagkamatay ng isang 62-anyos na si Daniel Delmo mula sa Cavite City at kasalukuyang nagbabakasyon sa lugar ng kanyang misis sa Barangay Tablac ng nasabing bayan.

Ayon kay Jay Gallano ng MDRRMO, sa kanilang inisyal na imbestigasyon, pauwi na ang biktima kasama ang 11 pang miyembro ng kanyang pamilya mula sa Subic Saday sakay ng isang maliit na bangka na pribadong pagmamay-ari ng kapamilya ng kanyang misis nang bigla umanong tumagilid ang bangka at tumaob habang nasa mababaw na bahagi ng dagat at nahulog sa tubig ang mga sakay nito.

Ayon pa kay Gallano, sinabi umano sa kanila ng misis ng biktima na posibleng inatake sa puso ang mister kaya nawalan ito ang malay habang nasa dagat.

Agad naman na ni-revive ng mga tauhan ng Coast Guard at MDRRMO ang biktima at itinakbo sa   Matnog Medicare Hospital subalit idineklara ng doctor na ‘dead on arrival.’ Hindi umano rehistrado ng Matnog Tourism ang bangka at hindi dumaan sa tourism office ang biktima at kanyang pamilya bago nagtungo sa nasambit na lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *