Pura Luka Vega, idineklarang ‘persona non grata’ sa Laguna

Hindi na maaaring tumuntong pa sa mga lungsod at munisipalidad na sakop ng Lalawigan ng Laguna ang drag artist na si Amadeus Fernando Pagente o mas kilala sa tawag na “Pura Luka Vega”.

Ito ay matapos na aprubahan ng lahat na miyembro ng Laguna Provincial Council ang resolusyong nagdedeklara kay Vega bilang “persona non grata” nitong Lunes, Agosto 14.

Ayon kay Laguna board member Christian Niño Laraja, bilang mga lider ng lalawigan ay tungkulin nilang protektahan ang kultura at paniniwala laban sa anumang pag-atake at pambabastos.

Ang naturang deklarasyon umano ay magsisilbing paalala na ang pagiging artista o pagiging kilalang personalidad ay hindi sapat na dahilan o maging “excuse’ para insultuhin o bastusin ang anumang tradisyon o paniniwala.

Nag-ugat ang deklarasyon sa viral na pagtatanghal ni Vega sa isang bar kung saan sumasayaw ito ng remix ng “The Lord’s Prayer” o “Ama Namin” habang naka-costume ng Itim na Nazareno.

Matatandaang una nang idineklarang persona non grata ang drag artist sa General Santos City; Floridablanca, Pampanga; Toboso sa Negros Occidental at sa Lungsod ng Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *