Senate Blue Ribbon Committee, bukas sa imbestigasyon kaugnay ng COVID-19 vaccine procurement at wastage

Handa ang Senate Blue Ribbon Committee na buksan ang pagsisiyasat sa naiulat na pag-aaksaya ng 44 million doses ng COVID-19 shots at tingnan ang mga dokumento na may kinalaman sa pagbili ng mga bakunang ito.

Sinabi ni Senator Francis Tolentino, na sinusuportahan niya ang bid ng Commission on Audit (COA) na magsagawa din ng sarili nitong imbestigasyon sa pagbili ng gobyerno ng mga bakuna.

Ipinunto ni Tolentino, na namumuno sa nasabing komite na karapatan ng publiko na malaman kung nagamit ng maayos o hindi ang pondo.

Sinabi ng senador na may obligasyon ang Department of Health na ipaliwanag kung bakit nasayang ang 44 million doses ng mga bakuna.

Nauna rito, ibinunyag ni Commission on Audit (COA) chairman Gamaliel Cordoba na humihingi na ng special audit ang World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) sa mga loans na ibinigay nila sa gobyerno ng Pilipinas para sa pagbili ng mga bakuna. Inamin rin ng ahensiya na kulang sa ulat ang pag-audit sa programa dahil sa non-disclosure agreement sa pagitan ng Pilipinas at mga vaccines manufacturers.

Ngunit iginiit ni Tolentino na hindi sapat na dahilan ang mga NDA para hindi magsagawa ng audit dahil ang validity ng naturang mga kasunduan ay tumatagal lamang ng 1 hanggang 2 taon.//CA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *