Tricycle sector sa Camarines Norte planong magsagawa ng tigil pasada dahil sa sobrang taas ng gasolina

CAMARINES NORTE- Pinag- aaralan ngayon ng tricycle sector sa Camarines Norte ang pagsasagawa ng tigil pasada dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sa programang Banat Brigada kaninang umaga sinabi ni FETODA President Alex Sulpa na sa pamamagitan nito ay nais nilang iparating sa gobyerno ang kanilang mga karaingan.

Hanggang ngayon kasi ay hindi pa umano nila natatanggap ang fuel subsidy na ipinangako ng national government.

Ngayong araw naman ay magkakaroon ng pay out ang LGU Daet sa lahat ng tricycle operator at hauler para sa naunang ipinangakong tulong.

Ayon kay Sulpa bagamat maliit na halaga ay malaking tulong na rin aniya ang P300.00 lalo na sa panahong ito.

Sa ngayon ay labis na umanong umaaray ang mga tricycle driver dahil mataas na nga ang presyo ng gasolina ay alternate pa rin ang kanilang pasada partikular sa bayan ng Daet.

Sa katunayan mayroon na umanong mga tricycle driver ang ayaw nang magpasada dahil sa hindi sapat na kita na kulang na kulang para ipantustos sa pangangailagang ng kanilang pamilya.

Kung matuloy ang ikinakasang tigil pasada ng tricycle sector kumpiyansa si Sulpa na  hindi man lahat sumali ay marami pa rin ang sasama para ipakita sa gobyerno ang kanilang pagkakaisa.

Tinatayang mayroong mahigit kumulang sampung libong tricycle ang pumasada sa lalawigan.

Pinakamarami dito ay sa Daet na mayroong 2, 800 at Labo na may 2, 500.

Gayunman handa umanong makipag usap ang kanilang hanay sa mga kinauukulan.

Sa ngayon ay halos P90.00 na ang presyo ng kada litro ng gasolina sa lalawigan habang lagpas na sa P90 ang presyo ng diesel.

Leave a Reply

Your email address will not be published.