Unang araw ng implementasyon ng SIM Card Registration Act – inulan ng kabi-kabilang aberya

Dumagsa ang mga nagpa-register na SIM card users para sa unang araw ng implementasyon ng SIM Card Registration Act.

Dahil dito, nakaranas ng aberya ang ilang mga websites na ginagamit ng telco companies para sa pagpapatala ng kanilang mga users.

Para matugunan ito – inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kanilang complaint center para sa mga nais magsumite ng kani-kanilang reklamo para sa mga naranasang aberya sa SIM registration.

Bukas 24/7 ang hotline na 1326 para sa mga gustong magpa-assist at maghain ng complaints sa mga nag-‘fail’ ang pagpapatala ng mga SIMs.

120 na reklamo

Sinabi ni DICT Usec. Alexander Ramos sa isang panayam na mayroong nasa 30 mga personnel ang tumatao sa ngayon sa inilunsad nilang 24/7 hotline na 1326.

Sa ngayon, umakyat na umano sa mahigit 120 complaints ang kanilang natatanggap.

Siniguro rin ni Ramos na tuluy-tuloy ang ginagawang paga-adjust ng mga telcos para ma-acommodate ang biglaang buhos ng mga nagpapatala sa unang araw ng implementasyon ng batas.

Mga Telco companies, humingi ng mahabang pasensya sa mga users

Humingi naman ng paumanhin ang tatlong telco companies para sa mga naranasang aberya sa unang araw ng pagpapatala ng mga user para sa SIM Card Registration Act.

Ito nga ay makaraaang maranasan ang ilang mga glitches at technical issues sa ilang mga telco websites kasabay ng mataas na traffic ng mga nagpa-register.

Para sa SMART, nahirapan ang mga users nila na makapag-register dahil sa ilang error sa kanilang registration website.

Tiniyak naman ng SMART na inaayos na raw ng kanilang technical team ang pagpapataas sa capacity ng ng volume ng mga nagpapatala.

Sa panayam, sinabi ni Smart-PLDT First VP and Corporate Communications Officer Cathy Yang na bagamat nakakuha sila ng heavy traffic ng mga registrants – itinuturing umano nila ito bilang ‘great news’ dahil nangangahulugan lamang ito na tanggap ng publiko ang bagong batas.

Para kay DITO chief administrative officer Adel Tamano, umapela ito sa publiko na ‘pagbigyan na muna’ ng pagkakataon ang SIM Card Registration.

Hinikayat ni Tamano ang publiko na makiisa sa bagong batas, at kasabay nito ang pagkakaroon ng mahabang pasensya.

Muli naman niyang ibinida na ini-incentivize nila ang mga magpapa-register sa DITO kabilang na ang libreng 2GB na data para sa mga users.

Sinabi naman ni Globe Corporate Communications Officer Yoly Crisanto na tuluy-tuloy ang ginagawa nilang pagi-improve sa registration process.

In-adjust din nila ang know-your-customer o KYC registration kagaya ng paga-upload ng selfie bilang bahagi ng kanilang verification process.

Umapela rin si Crisanto sa publiko na lubusin na ang oras ng pagpapa-register at huwag nang magsabay-sabay pa sa huling araw ng deadline nito.

Trial Period

Bago pa man ito – una nang sinabi kahapon ng DICT at ng National Telecoimmunications Commission (NTC) na inaasahan na raw nila ang mga ganitong uri ng problema.

Kaya naman, magsisilbi na muna umanong ‘trial period’ ang unang dalawang linggo ng registration kung saan ay ipa-fine tune nila ang registration process para sa mga makukuhang aberya sa pagpapatala.

Matatandaaang gugulong ang registration ng anim na buwan kung saan – kapag bigo kang ipatala ang iyong numero ay otomatiko na itong made-deactivate.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *