14 na personahe ng SPPO isinailalim sa ‘random drug test’

SORSOGON CITY – Sabayang isinagawa noong Miyerkules, Mayo 18 ang random drug test sa mga tauhan ng PNP-Bicol.

Sa kabuuang 372 na tauhan ng PNP-Bicol na napili para sa nasabing drug test, ang Sorsogon Police Provincial Office ay pumangalawa sa may pinaka-konting napili na umabot lamang sa 14 na tauhan nito, ayon ito sa ulat mula sa PRO5.

Pinakamaraming sumali sa drug test ay ang Masbate PPO at Naga City Police na kapwa umabot sa 100 ang nagpa-drug test, sinundan ito ng Regional Headquarters sa Camp Ola, Albay na umabot sa 52 kabilang na si PNP Regional Director PBGen Mario Reyes.

May 31 naman na mga tauhan ng Catanduanes PPO ang sumali, 30 naman sa Camarines Sur PPO at ang pinakakonti na sumali ay mga pulis mula sa Albay PPO na umabot lamang sa 10 pulis.

Ang drug test ay isa sa direktiba ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na magkaroon ng Internal Cleansing Program, sa pamamagitan ng pagsasailalim ng surprise drug testing ang mga pulis.

Sa mensahe ni PBGen Reyes, pinaliwanag nito na ang nasabing hakbang ay upang patunayan na hindi gumagamit ng iligal na droga ang mga pulis.

Dagdag pa nito, dahil gusto ng PNP na gawing drug free ang bawat komunidad, at bilang mga nagpapatupad ng batas, dapat umano ay ang PNP ang unang sumunod dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *