18 laptop units, tinangay ng isang IT expert sa Tanauan, Batangas

Pinaghahahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang IT support na tumangay umano sa 18 units ng laptop sa kanya mismong pinagtatrabahuhang kompanya sa Tanauan City, Batangas.

Kinilala ng Tanauan CPS ang suspek na si Ross Anthony Malvecino y Moreno, 25 anyos at kasalukuyang naninirahan sa Purok 3, Brgy. San Francisco, Sto Tomas City, Batangas.

Batay sa report, mismong ang manager ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ng suspek ang dumulog sa mga awtoridad upang isumbong ang nasabing insidente.

Ayon sa imbestigasyon, kita sa CCTV footage ng kumpanya ang ginawang pagtangay ng suspek sa mga nasabing laptop na nagkakahalaga ng P56,000 ang bawat isa.

Batay naman sa salaysay ng security guard, nakita niya raw mismo noong inilalabas ng suspek ang mga laptop.

Dahilan daw ng suspek sa kanya, mayroon itong gagawin o aayusin sa mga naturang unit kaya niya ito inilalabas.

Sa ngayon, patuloy na pinaghahahanap ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kasong qualified theft.

Leave a Reply

Your email address will not be published.