2 magnanakaw na nilooban ang lomihan sa Batangas City, arestado

BATANGAS CITY – Balik kulungan ang dalawang magnanakaw matapos na maaresto makaraang puwersahang pinasok ang isang carinderia at tangayin ang printer at music speaker sa Brgy. Kumintang Ibaba, Batangas City.

Kinilala ng Batangas City Police Station ang mga suspek na sina Sonny Punzalan y Lucas, alyas ‘Sonny Boy’, 50 anyos at residente ng Brgy. Wawa, Batangas City at Adrian Briones y Madrigal, alyas ‘Ian’, 30 anyos, tubong Taal, Batangas at residente ng Brgy. Pallocan West, Batangas City.  

Ayon sa imbestigasyon, pinasok ng dalawa ang 3A’s Karinderya & Lomian sa pamamagitan ng pagsira ng kawayang haligi nito pasado 10:30 ng gabi noong Lunes, Abril 26, 2021.

Agad na tinangay ng mga suspek ang isang music bluetooth speaker na nagkakahalaga ng Php 1,500.00 at isang printer na nagkakahalaga ng Php 9,000.00 na pagmamay-ari ng biktima.

Sa panayam kay PSMS Teodorico Magboo, imbestigador ng kaso, nagawa umanong makatakas ng mga suspek ngunit hinabol ang mga ito ng biktima na humingi ng tulong sa mga pulis at mga barangay tanod.

Naabutan nila ang dalawang suspek sa bahagi ng Bagong Palengke kung saan plano nilang ibenta ang mga ninakaw.

Dito na narekober mula sa mga suspek ang mga ninakaw na printer at speaker maliban pa na nakuhanan ang mga ito ng kutsilyo at isang improvised knife.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong Robbery at kasalukuyang nakadetina sa Batangas CPS custodial facility.

Base sa datus ng mga otoridad, ang dalawang suspek ay dati nang nakulong dahil sa kasong pagnanakaw.

Nakapiyansa umano si alyas Punzalan nitong Disyembre habang si Briones ay nakalaya dahil hindi na dumadalo sa mga hearing ng kaso ang kanyang complainant. | Mike Salgado

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *