245 NPA members, nagbalik-loob sa pamahalaan; pwersa ng rebeldeng grupo, patuloy sa paghina – 5th ID PH. Army

Sumuko sa pamahalaan ang nasa mahigit 200 kasapi ng rebeldeng NPA kasabay ng pagdiriwang ng ika-123rd na anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan noong June 12, 2021.

Ang mga naturang rebelde ay mula sa mga lalawigan ng Kalinga, Cagayan at Isabela na sakop ng 5th Infantry Division ng Philippine Army.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News kay 5th ID Chief DPAO Army Maj. Jekyll Dulawan, nasa kabuoang 245 na mga rebelde ang nagbalik-loob kung saan 136 dito ang dating miyembro ng NPA at Militia ng bayan, 100 ang kasapi ng Anak Pawis at 9 na kasapi ng rebeldeng grupo.

Dala rin ng 9 na sumukong mga rebelde na mula sa Brgy. Disulap ,San Mariano ang mataas na kalibre ng baril gaya ng M16 rifle, shot gun, pistol at mga bala.

Ayon kay Maj. Dulawan, ang pagsuko ng mga taga-suporta at miyembro ng NPA ay malaking kawalan sa pwersa ng armadong grupo na indikasyon din ng paghina ng kanilang pwersa.

Aniya, resulta ito ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng kasundaluhan sa mga residente sa iba’t-ibang lugar sa rehiyon kaugnay sa mga hindi makataong gawain ng mga rebeldeng pangkat na siyang nagpapahirap sa kabuhayan ng mga ito.

Katuwang din aniya ng kasundaluhan ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno sa kampanyang masugpo na ang insurhensya sa bansa.

Pinaalalahanan naman ni Maj. Dulawan ang mga mamamayan na huwag magpapalinlang sa mga makakaliwang pangkat habang hinimok naman niya ang mga natitira pang rebelde na sumuko na rin sa pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *