3 fake NBI agents na natiklo sa entrapment ops, miyembro ng organized crime na ang target ay mga peryahan sa buong bansa; lider ng mga ito, isang lehitimong mediaman

Pansamantalang nakalaya noong Miyerkules, Hulyo 19 ang tatlong akusado sa kasong Usurpation of Authority & Robbery Extortion, makaraang magmosyon ang mga ito ng ‘’reduce bail.’’

Sa impormasyon na ekslusibong nakuha ng Brigada News, isang ‘organized crime’ pala ang kinasasangkutan ng tatlong akusado na ang target ay mga peryahan sa buong bansa at lumalabas na ang pinakalider nila ay isang lehitimong mediaman.

Ayon pa sa impormasyon, ang grupo ay may mapa at listahan ng mga piyesta ng bawat lungsod at bayan ng bawat probinsya sa buong Pilipinas at ang ‘MO’ o modus operandi nila ay kikilan ang mga operators ng nasabing mga peryahan.

Kung babalikan, gabi noong Hunyo 27 ay na-entrap ang mga suspek na sina Christian Virey Sto Domingo, 37-anyos, binata; Artemio Virtudazo Ipanag, 57-anyos, may kinakasama, master baker at Cesar Florencio Sto Domingo, 57-anyos, may asawa, balot vendor lahat residente ng Phase A Package 4 Blk 59 Bagong Silang, North Caloocan.

Naaresto ang mga ito matapos na kikilan ang operator ng isang peryahan sa Coastal Road, Brgy Sirangan, East District, Sorsogon City.

Sa isinagawang body search ng mga operatiba sa mga suspek ay nakuhanan ang mga ito ng iba’t-ibang mga media IDs.

Sa interogasyon, inamin ng mga suspek na minsan ay nagpapakilala silang mga kagawad ng media subalit madalas ay mga pulis para aniya, matakot ang mga operators at mapabilis ang transaksyon.

Ang tatlong akusado ay inaasahang babalik sa Sorsogon sa Agosto 1 para sa kanilang arraignment.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *