4 of 5 sa verification panel ng resigned PNP officials, pinangalanan na

Pinangalanan na ni Interior Secretary Benhur Abalos ang apat mula sa limang miyembro ng panel na magre-review sa posibleng kaugnayan ng mga nag-resign na PNP officials sa kalakaran ng iligal na droga.

Sa Malacañang press briefing, inisa-isa ni Abalos ang mga miyembro nito.

Una nang napangalanan si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Makakasama naman ni Magalong sina PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., dating Defense secretary Gibo Teodoro, at retired Maj. Gen. Isagani Nerez.

Si Nerez ay kasalukuyang Undersecretary for Police Affairs ng Office of the Presidential Adviser on Military Affairs (OPAMA).

Hindi naman na muna pinangalanan ni Abalos ang ikalimang miyembro ng panel.

Samantala, kinumpirma rin ni Abalos na tanging 12 na lamang ang hindi nag-submit ng courtesy resignations.

Lima rito ay nag-retire na; habang anim naman ang mga nakatakda nang magretiro sa serbisyo.

Dahil dito, tanging iisa na lamang ang hindi talaga nag-resign sa puwesto.

Tumanggi naman na munang maglabas ng detalye ang Kalihim para sa natitirang isang heneral na hindi pa rin nagre-resign.
#

Azurin, tiniyak na magiging patas sa verification process

Aminado si Azurin na isang malaking hamon para sa kaniya ang gagawing verification ng kaniyang mga opisyales kung mayroon ba itong kamay sa kalakaran ng iligal na droga.

Aniya, isa itong ‘very challenging’ at ‘daunting task’ ngunit hindi raw niya sasayangin ang tiwalang ibinigay sa kaniya ng Pangulo.

Makaasa rin umano ang publiko at ang mga pulis na magiging patas siya sa proseso kasabay ng pagtitiyak na magiging mas matatag ang PNP matapos ang lahat ng ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *