430 na sako ng aning mais sa Baggao, Cagayan; naanod matapos ang pagragasa ng tubig dulot ng bagyong maring

Naanod ang tinatayang 430 na sako ng mais sa ilang barangay sa bayan ng Baggao, Cagayan kahapon, October 11,2021 matapos rumagasa ang tubig mula sa kabundukan bunsod ng pag-ulang dala ng Bagyong Maring.

Bukod dito ay nasa 450 na sako ng aning mais ni Mr Conrado Mercado ang nalubog sa tubig baha kung saan 20 lamang dito ang kanilang naisalba.

Nakaugalian na umano ng mga magsasaka na itambak sa gilid ng daan ang kanilang aning mais o palay para ibilad kapag maganda ang lagay ng panahon.

Samantala, sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DA RO2 Executive Director Narciso Edillo, tatlong araw bago ang pananalasa ng bagyong Maring ay pinaalalahanan na aniya ang mga magsasaka na anihin ng maaga ang kanilang mga pananim na mais o palay at ilagay sa ligtas na lugar.

Aniya, bagaman walang tulong pinansyal na maaring ibigay sa mga magsasaka sa nangyaring insidente ay susubukan umano itong isama sa listahan ng DA RFO2 para sa mga maaring makatanggap ng binhi o farm inputs.

Sa ngayon ay kasalukuyan pang nagsasagawa ng damage assessment ang Local na pamahalaan ng Baggao upang matukoy ang halaga ng pinsala sa sector ng agrikultura.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *