600 sako ng ‘Sargassum’ nasabat sa Masbate; 6 na suspek, arestado

SORSOGON CITY – Aabot sa 600 sako ng Sargassum o mas kilala sa tawag na ‘’samo’’ ang nasabat ng mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar sa Masbate.

Unang naaresto ang limang suspek sa bayan ng Pio V Corpus nang ma-flagged down sa ikinasang checkpoint ang isang wing van truck sa Brgy Poblacion ng nasabing bayan.

Kinilala ang mga suspek na sina Froilan Pintuan Dublin, 30-anyos; Alex Dosdos Dela Pena, 39-anyos; Raymon Rivera Puraque, 29-anyos at Ritche Sevilla Enoch, 34-anyos lahat residente ng bayan ng Placer, Masbate.

Nasamsam sa mga ito ang 300 sako na may laman na pinatuyong sargassum. Walang naipakitang permit at dokumentos ang mga suspek dahilan ng kanilang pagka-aresto.

Sa bayan naman ng Esperanza ay huli din sa akto na nagbibiyahe ng nasabing seaweeds si Joebert Mahinay Ornopia, 30-anyos at naninirahan sa Brgy Poblacion ng nasabing bayan.

Narekober naman dito ang 100 sako na may lamang pinatuyong sargassum at tinatant’yang nagkakahalaga ng P15K.

Ang mga suspek ay mahaharap sa paglabag sa Fisheries Administrative Order (FAO) No.250-2.

Ang sargassum ay isang damong-dagat o brown seaweed na gumaganap ng napakahalagang papel sa ecology dahil ito ang tirahan at kanlungan; pangingitlogan at nursery grounds ng organismong dagat katulad ng mga isda, pusit, mollusk at crustaceans, sea urchins at iba pa.

Ginagamit itong animal feed supplement, gamit din sa medisina, cosmetics at ito ay ini-export din kung kaya’t ‘’in demand’’ ito na naging dahilan ng walang habas na paghaharvest kaya bilang proteksyon, nagpataw ng regulasyon ang BFAR sa paghaharvest, collection, gathering, pagbebenta at pag-export sa nasabing brown seaweed.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *