Army service vehicle sumabog ang gulong: 7 sundalo patay, 7 sugatan

Umabot na sa 7 sundalo ang nasawi habang 7 pa ang sugatan makaraang sumabog ang gulong ng sinasakyan nilang KM service vehicle sa Brgy Buenasuerte sa bayan ng Uson, Masbate.

Sa pahayag sa Brigada News Sorsogon ng Uson MPS, 6 umano ang ‘dead on the spot’ habang ang isang sundalo ay naitakbo pa sa ospital subalit idineklara itong ‘dead on arrival’ ng sumuring doktor.

Ang aksidente ay nangyari gabi noong Linggo at ang mga lulan ay mga miyembro ng 2nd Infantry Battalion, 9th Infantry Division, Phil Army.

Kinilala ang mga nasawi na sina Sgt. Bernardino Kyamko Jr., driver; Private 1st Class Elizer Lahoy-lahoy; Private 1st Class Venzelle Gumba; Private 1st Class John Mark Aragon; Private 1st Class Ardie Rabi; Private 1st Class Christian Badong at Private 1st Class Rodgen Palapar.

Si Palapar umano ang naitakbo pa sa ospital subalit namatay din bago malapatan ng lunas.

Ayon sa inisyal na impormasyon, galing sa Sitio Baclay, Milagros, Masbate ang mga sundalo, matulin umanong tumatakbo ang nasabing behikulo papuntang Brgy Guihaman para maghatid ng mga suplay nang pagdating sa nasabing lugar ay biglang pumutok ang kaliwang gulong sa likuran.

Nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber hanggang sa bumangga sa nakaparadang trak ng cement mixer, at tumama pa sa gilid ng kalsada.

Ang KM army vehicle ay may lulan na 14 na military personnel.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng PNP at Army sa aksidente at wala pang pinapalabas na official statement ang Phil Army Bicol hinggil sa nasabing aksidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *