Bantag, handang humarap sa COA audit re: nakaplanong plunder allegations

Tinatawanan na lang daw ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Bantag ang mga ipinaparatang ng humalili sa kanya na si officer-in-charge Gregorio Catapang.

Kung maaalala, nagbabala si Catapang na sasampahan niya ng kasong plunder si Bantag dahil sa ‘di umano’y maanomalyang pagpapatayo ng mga BuCor facilities; pati na rin ang bagong isiniwalat na alleged stabbing ng suspended BuCor chief sa dalawang mga person deprived of liberty (PDL) sa New Bilibid Prison.

Sa isang panayam, sinabi ng abugado ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong na puro imbento lang daw ang mga alegasyong ibinabato sa kanyang kliyente.

Nanindigan si Balisong na walang katotohanan ang umano’y pananaksak ni Bantag sa dalawang mga PDLs.

Tiniyak din ng abugado na bukas silang isailalim sa auditing ng Commission on Audit hinggil sa P1-Billion na sinasabing kontrobersyal na construction funds.

Samantala, sinabi rin ni Balisong na hindi naman daw makaaapekto sa kanila ang inisyung Immigration lookout bulletin order (ILBO) laban kay Bantag.

Paliwanag niya, bagamat nasa ilalim na ng ILBO ang BuCor chief ay maaari pa rin naman itong makalabas ng bansa.

Sa kabila niyan, wala raw silang planong mangibang-bansa, at haharapin pa rin nila ang mga alegasyong ito sa nararapat na forum.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *