Bayan ng Basud isinailalim sa GCQ o mas mahigpit na restriction dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19

BASUD, CAMARINES NORTE- Epektibo nitong Miyerkules ay isinailalim sa mas mahigpit na restriction o General Community Quarantine (GCQ) ang bayan ng Basud, Camarines Norte dahil sa pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID- 19.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Mayor Adrian Davoco na kinailangan itong gawin upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Mula kasi sa low risk ay pumasok sa kategoryang moderately risk ang bayan ng Basud alinsunod sa pamantayan ng Department of Health (DOH).

Tatagal ang GCQ sa loob ng labing apat na araw at maaari ring palawigin depende sa sitwasyon o kung kinakailangan.

Sa ilalim ng GCQ ipinagbabawal ang paglabas ng 15 taong gulang pababa at 65 na taong gulang pataas gayundin ang mga may co- morbidity

Gayuman exempted ang 65 taong gulang kung ito ay may trabaho pero kailangan ang medical certificate mula sa Municipal Health Office (MHO) na nagsasabing sila ay “fit to work” o malusog.

Ipinagbabawal rin ang pagdagsa sa mga resort at pagliliwaliw sa mga pampublikong lugar.

Mahigpit ding ipapatutupad ang liquor ban o pagbabawal sa pagbebenta, pagbili at pag inom ng alak.

Ang papayagan lang din ay ang mga religious gathering sa 30 % capacity.

Maaari ding magsagawa ng necrological services o paglalamay pero dapat  ay mayroong nagbabantay na Barangay Tanod upang masiguro na nasusunod ang social distancing.

Hinihimok din na sa paglilibing ay mga miyembro lamang ng immediate family ng namatay ang dumalo.

Mananatili naman sa alas 9 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga ang oras ng curfew alinsunod sa Executive Order ng Kapitolyo Probinsiyal.

Hiningi rin ng munisipyo sa mga barangay na magkaroon ng checkpoint dahil mababalewala umano ang paghihigpit kung wala ito.

Sabi ng Alkalde, hindi mamomonitor ng maayos ang mga papasok at lalabas sa barangay kung walang checkpoint.

Hinihimok rin ang lahat na huwag na munang dumalo sa mga pistahan at kung may handaan man ay dapat para lang sa pamilya sa loob ng bahay.

Nilinaw din ng Alkalde na magiging “in effect” ang Executive Order maliban na lamamg kung ipawalang bisa ng Provincial Incident Management Team ang ilang probisyon o kabuuan nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *