Bicol region nagtala ng mababang kaso ng COVID-19; mas mataas na recoveries naitala rin

BICOL—Umaasa ang Department of Health (DOH) Bicol na magtutuloy-tuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon matapos maitala ang mababang kaso nito sa kanilang pinakahuling ulat.

Umabot lang kasi sa 36 ang mga bagong kaso, lubhang mababa sa lagpas isandaang naitala sa mga nagdaang araw. 29 sa mga bagong kasong ito ay mula sa Camarines Sur kung sana siyam ang mula sa bayan ng Libmanan, tig-apat ang bayan ng Nabua at Pili, tigdadalawa ang bayan ng Canaman, Goa at lungsod ng Iriga at tig-iisa ang mga bayan ng Balatan, Buhi, Calabanga, Ocampo, Tinambac at Naga City.

Anim na kaso naman ang naitala sa Camarines Norte kung saan tatlo nito ay mula sa bayan ng Daet at tig-iisa ang mga bayan ng Jose Panganiban, Labo at Vinzons.

Isang kaso lamang ang naitala sa Albay na nagmula sa lungsod ng Legazpi habang zero positive cases naman ang mga lalawigan ng Catanduanes, Masbate at Sorsogon.

Sa kabuuan, pumalo na sa 19, 407 ang kaso ng COVID-19 sa Bicol region. 14,507 na nito ang mga gumaling matapos na magtala ng 48 na mga bagong recoveries. 35 nito ay mula sa Sorsogon, walo sa Camarines Sur at lima sa lalawigan ng Catanduanes.

671 na ang mga nasawi matapos na madagdagan ng apat kung saan dalawa nito ay mula sa Sorsogon at tig-isa ang Camarines Norte at Albay.

Sa gitna nito ay patuloy pa rin ang paalala ng Department of Health (DOH) Bicol sa publiko na sundin ang #BIDASolusyon + sa COVID-19 para sa Serbisyong Salud Bikolnon.

𝐁-Bawal ang walang Mask at Faceshield, 𝐈-isanitize ang mga kamay at iwasan ang kulob na lugar, 𝐃-dumistansiya ng isang metro at limitahan ang interaksyon sa iba at 𝐀-alamin ang totoong impormasyon plus Suportahan ang approved na bakuna.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *