Bilang ng mga nag-apply para sa voters’ registration sa Bicol, umabot na sa mahigit 170k – COMELEC

BICOL – AABOT na sa mahigit 170k ang bilang ng mga Bicolanong naghain ng kanilang aplikasyon para sa voters’ registration para sa May 2022 elections.

Sa pinakahuling datos na inilabas ng Commission on Elections (COMELEC), nasa 171,315 voter registration applicants ang naitala mula September 1, 2020 hanggang April 20, 2021.

Ang CALABARZON ang may pinakamaraming aplikante na may 396,529; kasunod ang Metro Manila (295,357), Central Luzon (271,869) at Central Visayas (202,370).

Sa ngayon, suspendido ang voters’ registration sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, Abra, Quirino at Santiago City sa Isabela hanggang April 30. Habang ang paglalabas ng voters’ certification sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ay suspendido rin.

Magpapatuloy naman ang voters’ registration sa nalalabing bahagi ng bansa o mga lugar na masa ilalim ng general community quarantine (GCQ) o modified GCQ hanggang September 30, 2021.

Samantala, patuloy din ang panawagan ng COMELEC  sa mga Bicolano na huwag nang hintayin ang “last day” ng aktibidad at kaagad nang magpatala habang maluwag pa.

Mababatid na simula noong Pebrero 15 nitong taon, nagpatupad ng pagbabago sa schedule ng mga COMELEC offices sa buong rehiyon dahil sa covid-19 pandemic,  kung saan bukas ang mga ito tuwing Martes hanggang Sabado, mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *