Bumoto ng kandidato para sa Pilipinas, hindi para sa China – Del Rosario

Hinimok ni dating Foreign Affiars Secretary Albert Del Rosario ang mga Pilipino na bumoto ng kandidato na makabubuti para sa bansa, at hindi para sa China, sa eleksyon sa 2022.

Inihayag ito ng dating top diplomat ng bansa, matapos siyang batikusin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kaniyang alegasyon na tinulungan umano ng China ang Punong Ehekutibo na manalo noong 2016 elections.

Mababatid na sa ilalim ng termino ni Pangulong Duterte ay bumuti ang lagay ng relasyon ng Pilipinas at China, dahil sa polisiya nito na kaibiganin ang Beijing para sa mga ayuda nito sa bansa.

Ito ay kahit may hidwaan ang dalawang bansa sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea dahil sa patuloy na pagtanggi ng China na kilalanin ang 2016 abritral ruling na nambabalewala sa malawak na claims ng Beijing na halos buong South China Sea.

Matatandaan noong Lunes ay itinanggi ng Pangulo na tinulungan siya ng China na magwagi sa eleksyon noong 2016.

Nagbanta rin siya na kakasuhan niya si Del Rosario dahil sa naging papel umano nito para mawala ang kontrol ng Pilipinas sa Scarborough Shoal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *