Business Sector, hati ang reaksyon sa pagluluwag ng mask mandate sa mga indoor areas

Hati ang naging reaksyon ng business sector at grupo ng mga negosyante kung paluluwagin na rin ba ang mask mandate sa mga indoor areas lalo na sa mga establishments.

Ayon kay Employers’ Confederation of the Philippines o ECOP President Sergio Ortiz-Luiz, suportado nito ang panukalang maging boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa indoor setting.

Sa panayam, sinabi ni Ortiz-Luiz na hindi naman maiiwasang hindi pumasok sa isang indoor space sa t’wing lalabas ng tahanan.

Para naman kay Philippine Chamber of Commerce and Industry President George Barcelon – kanya-kanya na lang dapat na responsibilidad at discretion kung magsusuot pa ba ng face mask ang isang indibidwal.

Mapa-outdoor man ‘o indoor, nasa tao na raw dapat ang desisyon kung magfe-face mask pa ba ito – basta ba’t kung alam nilang may sakit sila ay magma-mask ang mga ito.

Tagilid naman kay GO Negosyo founder Joey Concepcion ang panukalang ‘wag nang mag-face mask sa mga establishments.

Aniya, ibang usapan na raw ang indoor setting kaya dapat ay mandatory pa rin ito sa mga closed spaces.

Una nang sinabi ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na pag-aaralan pa rin ang pagluluwag ng mask mandate sa mga indoor areas.

Giit ni Vergeire, kailangan na munang pataasin pa ang booster coverage sa bansa, na sa ngayon ay nananatili pa ring mababa mula sa target.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *