Camarines Norte nakapagtala ng isang kaso ng dengue ngayong 2023

CAMARINES NORTE- Nakapagtala ng isang kaso ng dengue ang lalawigan ng Camarines Norte ngayong Enero 2023.

Ayon sa  Epidemiology and Surveillance Unit ng Provincial Health Office ang pasyente ay isang limang taong gulang na bata mula sa bayan ng Paracale.

Kaugnay nito ay patuloy ang paalala ng PHO at ng Department of Health (DOH) sa publiko na patuloy na gawin ang mga kinakailangang pag- iingat upang hindi na muling tumaas ang kaso ng dengue tulad noong nakaraang taon.

Mababatid na mula Enero hanggang sa unang linggo ng Disyembre 2022 ay nakapagtala ang lalawigan ng nasa 249 na kaso ng dengue.

Mas mataas ito sa naitalang mga kaso noong 2021 na umabot sa 154 sa buong taon.

Ang dengue fever ay isang impeksiyon na sanhi ng isang virus na dinadala ng mga lamok na Aedis Aegypti.

May apat na klase ng virus na dengue, ang bawat isa ay maaaring magdulot ng lagnat (dengue fever) at lagnat na may pagdurugo (dengue hemorrhagic fever).

Kabilang sa sintomas ng Dengue ay ang pagkakaroon ng biglaang pagtaas ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, sakit ng kalamnan at kasu-kasuan, kawalan ng ganang kumain, pagkahilo, pagsusuka, at pamamantal sa balat.

Ang Dengue ay maaring magdulot ng kamatayan lalo na kapag hindi naagapan.

Noong nakaraang taon dalawa ang naitalang namatay sa lalawigan dahil sa dengue.

Tulad ng dati ipinapaalala pa rin sa publiko na sundin ang 4S strategy kontra dengue at ito ay suyurin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok, sarili ay protektahan laban sa lamok sa pamamagitan ng paggamit ng long-sleeves o pantalon at insect repellant, sumangguni agad sa pinakamalapit na gamutan kapag nakaramdam ng sintomas para hindi lumala ang sakit, at suportahan ang fogging para sa mga lugar na may pagtaas ng kaso sa loob ng dalawang linggo upang maiwasan ang outbreak.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *