Pulis, sugatan sa pamamaril ng kanyang sinita sa Lipa City, Batangas

Sugatan ang isang pulis matapos na pagbabarilin ng isang lalaking kanyang sinita sa national highway sa bahagi ng Brgy. Antipolo Del Sur, Lipa City, Batangas, bandang alas 8:50 kagabi ng Linggo, Enero 29, 2023.

Kinilala ang biktima na si PMSg Fidel Mercado Magundayao, residente ng Brgy. Tambo, Lipa City at naka-assign sa Intelligence section ng Lipa City Police Station.

Nakilala ng mga otoridad ang suspek na si Ariel Gonzales Bathan alias “Pusa” at resident ng naturang barangay na isinuko rin ng kanyang mga kamag-anak matapos na tumakas.

Sa aking panayam kay Lt. Col. Ariel Azurin, hepe ng Lipa CPS, sinabi nitong sakay umano ng kanyang motorsiklo ang biktima patungong city proper at huminto sandali sa gilid ng daan matapos sitahin ang suspek dahil pagiwang-giwang ito sa daan.

Bago pa man nakalapit ang pulis sa suspek ay bigla itong humugot ng dalang baril at pinaputukan ang naturang pulis.

Tinamaan sa hita, binte at pigi ang biktima ngunit nagawa nitong makaganti ng putok sa suspek.

Agad na tumakas ang suspek matapos na makaganti ng putok ng pulis.

Agad na sinugod sa ospital ang sugatang biktima at patuloy na nagpapagaling sa ngayon.

Matapos ang ilang oras ay isinuko ito ng kanyang pamilya sa mga kapulisan matapos malaman ang pangyayari.

Napag-alamang nakainom ang suspek ng mangyari ang insidente.

Nasa kustodiya na ng Lipa CPS ang naarestong suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *