Commuter at jeepney driver sa lalawigan ng Albay, hindi sang-ayon sa isang linggong tigil-pasada ng mga jeep maging sa jeepney phase-out

LEGAZPI CITY – Hindi pabor ang ilang mga residente sa Albay partikular ang mga commuters hinggil sa isang linggong tigil-pasada ng mga dyip na ipapatupad sa susunod na lingo, mula Marso 6-12 ng kasalukuyang taon.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Myrna, sinabi nitong lubos silang maaapektuhan lalo na’t siya ay namamasukan at kinakailangan pang bumiyahe mula sa ibang lugar, at kapag ipinatupad na ang tigil-pasada ay wala rin naman siyang masasakyan.

Nakakapagod din kasi, aniya, na mamasukan nang walang sariling sasakyan, kung kaya’t umaasa lamang siya sa pagko-commute. Isa pa rito, mayroon umano siyang mga anak at nababahala rin siya na kung magkakaroon ng tigil-pasada ay mahihirapan din sila sa pagpasok sa mga paaralan.

Ayon naman kay Francisco, isang jeepney driver, hindi sumasang-ayon sa modernisasyon ng mga jeepney na ipapatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil para sakanya, sana naman ay binigyan sila ng mahabang panahon dahil mayroon din siyang mga anak na pinapaaral, at kung ipi-phase out ang mga lumang jeepney, siguradong mawawalan sila ng hanap-buhay at maraming mga pasahero ang mahihirapan.

Matatandaang ikinasa ng ilang grupo ng jeepneys at UV Express operators ang nasabing tigil-pasada bilang pagtutol sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *