DENR REGION 2, tiniyak na walang nadamay na kabahayan sa pagsira sa small-scale mining equipment sa Nueva Vizcaya

Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources Region 2 na walang mga kabahayan ang nadamay sa isinagawang pagsawata o apgsira sa small scale mining equipments sa barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya.

Isinagawa ang naturang operasyon ng magkatuwang na mga kasapi ng DENR, Mines and Geosciences Bureau (MGB), NBI, PNP at AFP na sakop ng Financial or Technical Assistance Agreement ng FCF Minerals Corporation.

Nakumpiska sa site ang maraming ball mills, shafting, diesel engines, pulleys at iba pang kagamitan na ginagamit sa iligal na pagmimina. Pagkatapos nito ay binisita rin ni DENR Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan at MGB Regional Director Mario Ancheta ang mining area.

Ayon kay Director Ancheta, ang mga small scale miners na sila ring mga illegal settlers ay ayaw umanong sumunod sa kanilang kautusan na lisanin na ang nasabing lugar.

Binigyang diin naman ni RD Bambalan na mapipilitan umanong magsampa ng kaso ang ahensya sa mga ayaw pa ring sumunod sa ipinag-uutos na relocation sa kabila ng ilang negosasyon at kompensasyon sa kanila.

Umabot na umano sa 40 na kaso ang naisampa ng DENR laban sa mga illegal settlers.

Sinabi pa ng Direktor na ang resttlement ng mga ito ay para rin sa kanilang kaligtasan.

Magugunitang nasa sampong katao ang nasawi noong Nobyembre noong nakaraang taon dahil sa nangyaring landslide sa nasabing lugar.

Samantala, hiniling din ng DENR sa kumpanya na magbigay ng financial assistance sa mga lilipat na pamilya at bagaman nagbibigay umano ito ay bumabalik pa rin ang mga illegal settlers sa lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *