Distribusyon ng P5K financial assistance sa mga bagong rehistrong fisherfolks nagpapatuloy; higit 3K magingisda sa Sorsogon kabilang sa mga tatanggap

SORSOGON CITY – Kinumpirma ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol Spokesperson Noni Enolva na makatatanggap pa rin ng P5K cash assistance ang nasa 8K mga fisherfolks sa rehiyong Bicol na kanilang inihabol at inihirit na mabigyan ng nasabing ayuda.

Sa pahayag ng opisyal, sinabi nito na kaiba sa dating ayudang kanilang ipinamahagi ay buong P5K cash na ang tatanggapin ng mga qualified beneficiaries.

Ayon dito, ito’y upang buong-buo na mapakinabangan ng nasabing mga mangingisda ang nasabing ayuda at hindi na maging abala sa mga ito ang pagbitbit ng mga itlog at bigas na kabilang sa P2K food subsidy.

Samantala, sinabi ng opisyal na sa lalawigan ng Sorsogon ay nasa mahigit 3K pa ang bilang ng mga isinumiteng listahan ng mangingisda na makatatanggap ng nasabing ayuda.

Kaugnay nito, umaasa ang opisyal na ang nasabing ayuda ay malaki ang maitutulong lalo na sa mga labis na naapektuhan ang kabuhayan dulot ng pandemya.

Una rito, sinabi ng opisyal na ang distribusyon ng nasabing ayuda ay magtatagal hanggang sa katapusan ng kasalukuyang buwan ng Hunyo kung saan idadaan umano ito sa mga remittance centers.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *