DOH One Hospital Command Center makakatulong sa mga naghahanap ng pagamutan para sa COVID patient

CAMARINES NORTE- Makakatulong umano ang One Hospital Command Center sa mga naghahanap ng pagamutan para sa mga pasyenteng may COVID- 19 na kailangang i- admit sa ospital.

Ito ang inihayag kahapon ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Franciso sa isinagawang operational period briefing ng Provincial Incident Management Team na regular na ginagawa dalawang beses kada linggo.

Ayon kay Francisco ibibigay niya sa mga sususnod na araw ang hotline number ng DOH- Bicol One Command Center na maaaring tawagan.

Mababatid na umabot na sa full capacity ang isolation ward ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) kaya’t hindi na muna ito tatanggap ng COVID patient.

Bukod sa isolation ward, nasa hallway na rin ng ospital ang mga pasyente gamit ang folding beds na ang iba ay dala na mismo ng mga ito.

Sa hiwalay na panayam ng Brigada News FM Daet umapela si Francisco sa mga pribadong ospital sa lalawigan na tanggapin ang mga COVID patients na kailangang i a- admit.

Ipinaalala nito ang DOH guidelines na kailangang maglaan ng 10 percent ng kanilang bed capacity para sa COVID patient ang mga pribadong ospital habang 30 percent naman sa mga pampublikong ospital.

Ang problema, walang kakayahan ang mga mahihirap na magpa- admit sa pribadong ospital dahil sa sobrang taas ng bayarin na maging ang nakakaalwan sa buhay ay tiyak na aaray din.

Samantala, iminungkahi  ni Franciso na muling buksan ang COVID- 19 isolation ward ng Labo District Hospital (LDH) sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng sakit sa lalawigan.

Matatandaan na noong isang taon ay itinalaga ang LDH na maging dedicated hospital kung saan tanging ang mga maysakit lang na COVID- 19 ang dinadala dito.

Ginawa ito upang maiwasan ang paghahalo- halo sa mga ospital ng COVID at non COVID patients.

Pero noong Enero ay ibinalik  sa normal ang operasyon nito matapos bumaba ang mga kaso ng sakit hanggang noong Marso kung saan mayroon na lang isang aktibong kaso ng COVID- 19.

Pero pagsapit ng Abril ay muling sumipa ang mga kaso ng COVID- 19 at patuloy ito sa pagtaas hanggang sa kasalukuyan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *