Drayber ng sasakyang nakasagasa sa 3 indibidwal sa nangyaring drag race sa Cagayan, sinampahan na ng kaso

Sinampahan na ng kasong Reckless Imprudence Resulting to multiple physical injury ang drayber ng sasakyang sangkot sa naganap na drag race noong February 20, 2022 sa San Jose, Baggao, Cagayan na nauwi sa aksidente at nasagasahan ang tatlong indibidwal.

Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Police Regional Office 2 Information Officer PLtCol Efren Fernandez, una rito ay humingi umano ng pahintulot ang Mitsubishi Lancer Elite Club na magsagawa ng Grand Rally Parade sa nasabing lugar ngunit hindi ipinaalam na may mangyayaring drag racing.

Aniya, pagkatapos umano ng isinagawang grand rally parade ay wala umano sa kaalaman ng organizer ng event na nagkagirian at nagdesisyong magkaroon ng drag racing ang dalawa sa kanilang miyembro.

Ito ay kinilalang sina Carlo Christopher Lazaro, 23 anyos at Renato Trondillo Soriano, 42 anyos, tindero na pawang residente sa nasabing barangay.

Ang isinagawang drag racing ng dalawa ay nauwi sa aksidente kung saan nasagasahan ni Soriano ang tatlong indibidwal at kabilang dito ang dalawang menor de edad.

Nilinaw naman ni LTCOL Fernandez na ang nakitang PNP Personnel sa video ay kinilalang si PSSgt King Yasto na nakatalagang patrol at traffic PNCO sa corner Baleva at Sto. Domingo St. kung saan ginanap ang Grand rally parade.

Kaugnay dito, makikitang nagmadali umano si PSSgt Yasto sa pinagyarihan ng insidente dahil narinig aniya nito ang hiyawan ng mga residenteng nanood sa nasabing exhibition at sa katunayan aniya ay si PSSgt Yasto na ang nagproseso at nagdala sa mga biktima sa Baggao District Hospital.

Pinaalalahanan naman ni PLTCOL Fernandez ang publiko na huwag magsagawa ng kaparehong aktibidad na maaaring mauwi sa aksidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *