DSWD nagpahayag ng suporta sa vaccination campaign ng gobyerno kontra COVID- 19

CAMARINES NORTE- Nagpahayag ng suporta ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa vaccination campaign ng gobyerno kontra COVID- 19.

Ilan sa mga Municipal Link ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s ang nagpabakuna upang magpataas sa kumpiyansa ng mga benepisyaryo sa bakuna.

Ayon kay Jannel Alquiza, Municipal Link ng Sta Elena na aminadong takot sa karayom, pinili umano niyang magpabakuna kahit natatakot para sa kaniyang kaligtasan at para na rin sa mga taong nakapaligid sa kaniya.

Importante umano ang bakuna lalo na sa mga tulad nilang ang trabaho araw- araw ay makisalamuha sa maraming tao.

“Takot ako sa karayom, pero mas pinili kong maging matapang para sa aking kaligtasan at ng mga nakapaligid saakin. Mahirap kasing makipaglaban kung hindi natin nakikita ang kalaban, lalo’t pa sa trabaho natin na araw-araw nakikisalamuha sa maraming tao,” ani Alquiza

“Kung wala tayong proteksyon, paano pa natin maipapaabot ang serbisyong ating sinumpaan? Binigyan tayo ng chance ng Gobyerno na magkaroon ng libreng bakuna kaya grab the opportunity na sana at wag nang magdalawang isip pa.”

Nagbahagi rin sina Ronald Balunsoy, Municipal Link ng Talisay at Michelle Llamado Social Welfare Assistan) ng kanilang suporta sa adbokasiya upang labanan ang COVID-19.

Anila kaisa ang Team Talisay sa mga adhikain at buong pusong sumusuporta na paigtingin ang kampanya laban sa COVID 19.

Nais umano nila na magsilbing modelo upang hikayatin ang mga 4Ps beneficiaries na magpabakuna.

“Kaisa ang Team Talisay sa mga adhikain at buong pusong sumusuporta na paigtingin ang kampanya laban sa COVID 19 upang makatulong partikular sa aming mga benepisyaryo na magsilbing modelo at hikayatin na sumama sa iisang hangarin na  pangalagaan at proteksyunan ang bawat isa…mahalin ang sarili, labanan ang covid, pa-vaccine na tayo.”

Una nang inihayag ng ahensiya na hindi na kailangang pilitin ang mga benepisyaryo ng 4P’s na magpabakuna kapalit ng ayuda.

Base kasi umano sa ginawang survey ng kanilang National Program Management Office, walumpung porsiento sa mga 4p’s beneficiaries ay payag na magpabakuna.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *