Edible bouquet project, ilulunsad ngayong araw ng mga puso sa Camalig, Albay

Ilulunsad ngayong araw, Pebrero 14, ng Camalig KALIPI Federation sa harap ng Municipal Tourism Office ang isang edible at creative gift-giving project para sa mga Albayano.

Sa isang panayam, sinabi ni Esperanza Espina, Camalig KALIPI Federation Officer, na magsisimula ang kanilang pagbebenta sa Pebrero 13 hanggang sa mismong araw ng mga puso, habang inilalapat nila ang kanilang natutunan mula sa flower arrangement session na isinagawa sa kanilang munisipyo.

Ayon sa kanya, ang benta mula sa edible bouquets ay gagamitin upang pondohan at mapanatili ang mas maraming programang pangkabuhayan  at proyekto ng kanilang pederasyon.

Layunin nitong matulungan ang mga Camaligueno sa pamamagitan ng mga livelihood projects at mas palakasin ang women empowerment.

Napagkasunduan ng mga ito na gumawa at magbenta ng mga nakakain na bouquet sa halip na mga bulaklak.

Sa ganitong paraan ay matutulungan ang mga magsasaka ng gulay sa nasabing bayan.

Dagdag pa ni Esperanza, mayroon silang ilang uri ng bouquets tulad ng sinigang bouquet, pinakbet at chopsuey bouquet.

Kasama nito ang iba pang iba’t ibang produkto ng KALIPI federation na pawang gawang bahay at perpekto bilang regalo ngayong araw.

Ang presyo ng mga ito ay nagsisimula sa PHP650 hanggang PHP1,500 at ito ay maaaring mag-iba depende sa dami ng mga gulay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *