‘Fully vaccinated’ individuals, pinapayagan lamang na makapasok sa pagbubukas ng Cauayan City Sports Complex

Muling bubuksan sa publiko sa susnod na linggo ang Cauayan City Sports Complex para sa mga nais mag-exercise subalit para lamang sa mga fully vaccinated.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay City Sports Development Officer IV Jonathan Medrano, sinabi niya na bubuksan ito sa darating na Martes, November 16, 2021 matapos itong matagal na isara bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic.

Paglilinaw niya hindi lahat ay pinapayagang makapasok sa Sports Complex para makapag-ehersisyo dahil may mga ipapatupad na panuntunan para rito.

Ayon kay Medrano, tanging mga nakakumpleto na ng kanilang bakuna kontra COVID-19 na edad 18 pataas ang pinapahitulutang makapasok sa pasilidad at upang mapatunayan ito ay kailangang dalhin ang vaccination card at ID na nakasaad ang wastong edad.

Kailangan ding na-idownload at nakarehistro sa Staysafe App para magkaroon ng sariling QR Code, nakasuot ng sports apparel at tiyaking nasusunod ang health protocols.

Bukas aniya ang Sports Complex simula sa araw ng Martes hanggang Sabado sa oras na alas-5:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng umaga at sa hapon ay simula alas-4 hanggang alas-6 ng gabi.

Inaasahan aniya na dadagsain ito sa oras na magbubukas subalit hanggang 100 na mga indibidwal lamang ang maaaring makapasok.

Tanging non-contact sports lang din ang pinapayagan gaya ng jogging at tennis dahil ipinagbabawal pa rin ang team sport events tulad ng basketball.

Sinabi pa ni Medrano na ito ay upang i-promote ang healthy living at kinakailangan din aniyang mag-ehersisyo para lumakas ang katawan na isang paraan upang malabanan ang COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *