Grupo ng magmamanok, nababahala sa posibilidad ng pagkalat pa ng bird flu sa bansa

Nagpahayag ng pagkabahala ang United Broiler Raisers Association of the Philippines o UBRA at ang Philippine Egg Board Association na baka mas kumalat pa ang bird flu sa ibang lugar sa bansa.

Ito ay matapos na maiulat na mayroong mga poultry raisers na nagbabenta pa rin ng manok kahit na may sakit na.

Ayon kay Gregorio San Diego, chairman ng UBRA, kalimitan daw ang nangyayari pagdating sa Bureau of Animal Industry o BAI, tanging mga buhay na manok lamang ang binabayaran.

Kaya habang hindi pa raw nache-check ng BAI yung ibang may mga sakit na manok, ibinebenta na raw nila ito na hindi alam ng BAI.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ng BAI ang mga poultry farmer na tiyaking hindi maaapektuhan ng bird flu ang kanilang mga alagang manok.

Ayon kay Dr. Arlene Vytiaco, assistant director ng BAI, maaaring maglagay ng net sa paligid ng poultry farm para hindi pasukin ng migratory bird.

Samantala, nag-aalala naman ang UBRA at ang Philippine Egg Board na posibleng tumaas pa ang presyo ng itlog at karne ng manok sa mga pamilihan lalo na sa Metro Manila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *