Headline inflation sa Camarines Norte bahagyang bumagal sa antas na 9.3 % noong Pebrero

CAMARINES NORTE- Bahagyang bumagal ang headline inflation o pagtaas ng  presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan ng Camarines Norte noong Pebrero.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) bahagyang bumaba ang inflation sa antas na 9. 3 % kumpara sa 9.5 % noong Enero.

Gayunman, masyado pa rin itong mataas kumpara sa 2. 3 % sa kaparehong panahon noong isang taon.

Pinakamataas din ito sa loob ng limang taon o mula 2019.

Ang mahal na presyo pa rin sa restaurants and accommodation services ang pinaka humila sa mataas pa ring inflation.

Nananatiling mahal rin ang renta sa bahay, bayad sa tubig, kuryente at petrolyo.

Nag ambag rin sa mataas na inflation ang mahal na presyo ng pagkain, furnishings, Household Equipment and Routine Household Maintenance, Alcoholic Beverages and Tobacco at mahal na gastos sa transportasyon.

Sa buong Bicol Region ay bumilis pa sa antas na 8.8 % ang inflation kumpara sa 8.3 % noong Enero.

Ito rin ang pinakamataas sa loob ng limang taon.

Sa datos, makikitang mataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lahat ng probinsiya sa rehiyon.

Pinakamabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Camarines Sur na record high na 10. 4 % at pumapangalawa naman ang Camarines Norte.

Mataas din ang inflation sa Albay sa antas na 8. 5 %,  Masbate 7. 9 %,  Catanduanes 7. 4% at Sorsogon sa 6.4%.

Kapag mataas ang inflation ay lalong lumiliit ang halaga ng pera at kakailanganing gumastos ng mas malaki ng mga tao para sa mga produkto at serbisyo na kanilang binibili.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *