Health official sa Camarines Norte may nakikitang problema sakaling i- require ang booster shot para masabing fully vaccinated ang isang tao

CAMARINES NORTE- Pinag- aaralan ngayon ng gobyerno ang pagtatakda ng expiration date ng vaccination cards bilang maganda umanong stratehiya para mahikayat ang mga Pilipino na magpaturok ng COVID- 19 booster shots.

Sa gitna na rin ito ng mababang bilang ng mga pinoy na pagkatapos magpabakuna ng second dose ay hindi na nagpapa- booster.

Kaugnay nito ay pinag- aaralan din ang suhestiyon na para masabing fully vaccinated ang isang indibidwal ay hindi na sapat ang dalawang dose kundi isama na rin ang booster shot.

Pero ayon kay Camarines Norte Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco dalawang bakuna lang ang kailangan para masabing fully vaccinated na ang isang tao.

Kaya aniya tinawag na “booster” ay upang madagdagan ang proteksyon  dahil na rin sa iba’t- ibang variant kaya kailangan ito.

Kapag ginawa umanong requirement ang booster dose para masabing fully vaccinated ang isang indibidwal ay babalik na naman sa mababang vaccination accomplishment ang probinsya.

“Pag yan po ang nirequired at isama na naman, yung 67 percent na natin na kailangan, nandiyan na po at kailangan na lang natin ay 13 percent para maabot ang 80 percent heard immunity ay bababa yan, so umpisa na naman tayo dun sa dulo,” ani Franciso sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.

Kaugnay naman nito ay umapela si Francisco sa mga taga Camarines Norte na huwag masyadong maging kampante.

Aniya hindi porke mababa na ang mga naitatalang kaso ng sakit sa lalawigan ay hindi na magpapabakuna.

Importante umano ang bakuna para maiwasan ang malalang pagkakasakit dahil sa COVID- 19.

Ang booster shot umano ay karagdagang proteksyon lalo na sa mga mayroong comorbidity.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *