Ilang ilegal na paputok hindi na naging sanhi ng pinsala sa katatapos lang na pagdiriwang ng Pasko at Pagsalubong sa Bagong taon- DOH

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Health na kumpara noong mga nagdaang taon ay hindi na naging sanhi ng pinsala ang ilang ilegal na paputok na dating nangungunang dahilan ng disgrasya.

Sa isinagawang virtual media dialogue kahapon sinabi ni Sam Banico, Senior Health Program Officer ng DOH Bicol na siyang person- in charge sa pagmonitor sa firecracker related injury na hindi na nakita ngayon ang piccolo at watusi maging boga na dating mga nagungunang sanhi ng disgrasya sa tuwing sasapit ang pasko at bagong taon.

Ngayong taon kwitis umano ang nangungunang dahilan ng disgrasya sa paputok.

Umaabot sa kabuuang bilang na 14 ang naitalang Firecraker related injury sa buong Bicol Region ngayong taon.

Sa datos naman ng Provincial Health Office ng Camarines Norte mula December 21, 2021 hanggang January 6, 2022 ay dalawa lang ang naging biktima ng paputok at ito ay dahil sa kwitis.

Ang mga biktima ay isang 45 anyos na lalaki mula sa bayan ng Labo ang nagtamo ng injury sa kaliwang mata na nagpakunsulta sa CNPH dakong alas 3:06 ng umaga noong Enero 1.

Dakong alas 4:25 naman ng umaga parehong araw nang dalhin sa naturang ospital ang isang 52 anyos na lalaki mula naman sa bayan ng Talisay na nagtamo ng second degree burn sa kaliwang kamay.

Sa pagdiriwang ng Pasko noong 2020 at pagsalubong ng bagong taong 2021 isa lang ang naitalang firecracker related injury at ito ay ang isang 17 anyos mula sa bayan ng Daet na nadali rin ng kwitis.

Mapapansin na bagamat mayroon pa ring nabibiktima ng paputok ay mababa na ito kumpara noong mga nagdaang taon.

Noong 2019, pumangalawa ang Camarines Norte sa may pinakamaraming tinamaan ng paputok sa rehiyon na mayroong 12.

Taong 2015, nakapagtala rin ng double digit ng firecracker related injury sa lalawigan na mayroong sampu, apat noong 2016, pito noong 2017 at tatlo noong 2018.

Ayon kay Banico, bagamat may mga nabibiktima pa rin ng paputok ay malaking bagay pa rin aniya ang ibinawas nito kung ikukumpara noong mga nagdaang taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *