KORONADAL CITY – BAWAL ang Installment Only Policy na mode of payment sa pagbili ng mga produkto at serbisyo.
Ito ang inihayag ng Department of Trade and Industry o DTI Region 12 batay sa DTI Department Administrative Order (DAO) No. 21-03 series of 2021.
Nakasaad sa naturang kautusan na walang sinumang kompanya, nakarehistro man o wala, ang magbebenta o mag-aalok ng produkto o serbisyo at magpatupad ng installment only policy.
Ayon sa DTI 12 na may karapatan ang mga consumer na bigyan ng payment options katulad ng cash, installment o kombinasyon nito.
Ang mga business establishments na tumatanggi sa cash payment o mahuhuling nagpapatupad ng installment only scheme ay maaaring maparusahan sa paglabag sa Article 52 ng RA 7394 o Consumer Act of the Philippines.
Kaugnay nito, hinihikayat ng DTI ang mga reklamante na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na DTI office.