Kabacan Massacre ginunita ng mga kaanak ng biktima,hustisya sigaw ng mga ito!

KINALAMPAG ni North Cotabato Local Monitoring Team Chair at Kabacan Special Geographic Area Coordinator Jabib Guiabar ang Pamahalaan kung saang estado na ng imbestigasyon kung mayroon man ang nangyaring pagpatay sa syam na mga kalalakihang magsasaka noong August 29,2020 sa Provincial Road ng University of Southern Mindanao sa bayan ng Kabacan North Cotabato.

Sinabi ni Guiabar na hindi dapat mauwi na lamang sa limot ang masalimuot at masakit na sinapit ng mga biktimang Bangsamoro dahil malinaw pa sa sikat ng araw na walang kasalanan ang mga ito.

Kaya sa isang taong paggunita sa anibersaryo ng karumal-dumal na krimen ay nananawagan si Guiabar sa mga matataas na opisyal ng gobyerno na bigyan ito ng pansin, hwag takpan ang pangyayari at panagutin sa batas ang totoong may sala.

Kanya ring ipinagtataka kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring resulta ang imbestigasyon ng mga otoridad gayung may mga nabuong Task Force na rin na syang tututok sa malagim na insidente.

Kung maalala, lulan ang mga biktima ng mga motorsiklo sa provincial road malapit sa USM Granary and Machinery sa Barangay Poblacion sa bayan ng Kabacan nang bigla silang hinarang ng limang hindi nakilalang armadong kalalakihan at walang sabi-sabing pinaulanan ng sunod-sunod na putok ng baril.

Nakilala ang mga nasawi na sina Zailon Sandigan; Kors Salilangan; Benladin Dimanalao; Romeo Balatamay; Katindig Kagayawon at Fahad Mandigan, pawang mga residente sa bayan ng Kabacan. Binawian rin ng buhay si Musaid Jaiden, residente ng Brgy. Poblacion, Midsayap, Cotabato at Budsal Lipusan na nakatira sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, habang sa ospital na binawian ng buhay si Tong Guiman na nakatira din sa bayan ng Kabacan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *