Kahalagaan ng booster shots, iginiit ng Moderna

Naglabas ng panibagong datos ang Moderna Inc. mula sa kanilang malawakang COVID-19 vaccine trial kung saan ay ipinakikita nito ang kahalagaan ng booster shots.

Base kasi sa datos ay nababawasan ang proteksyon na naibibigay ng Moderna vaccine habang tumatagal.

Nakita rin sa analysis na inilabas ngayong linggo na mas mataas ang infection rate sa mga tao na nabakunahan noong tinatayang 13 buwan na ang nakararaan kumpara sa mga naturukan noong tinatayang 8 buwan na ang nakararaan.

Kinumpara ng Moderna ang performance ng bakuna sa mahigit 14,000 na volunteers na nabakunahan sa pagitan ng July at October, 2020 sa mga naturukang 11,000 volunteers na kabilang sa placebo group, na nabigyan ng bakuna sa pagitan ng December 2020 at March 2021, kasunod ng pagkakaroon nito ng US emergency use authorization.

Doon ay natukoy ang 88 COVID-19 cases sa mga huling nabakunahan kumpara sa 162 na naturukan noong nakaraang taon.

Gayunman, nasa 19 na kaso lamang mula sa nasabing bilang ang nakonsiderang severe.

Iginiit rin ng kompanya na base sa dalawang iba pang pag-aaral ay kaya ng Moderna shot na magbigay ng pangmatagalang proteksyon laban sa severe disease.

Sa pag-aaral ng Kaiser Permanente Southern California sa gitna ng paglaganap ng mas delikado at mas nakakahawang Delta variant, ay natuklasan ng researchers na 87% na epektibo ang Moderna vaccine sa pag-iwas sa COVID-19 diagnosis, at 96% naman na epektibo sa pag-iwas sa hospitalization.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *