Kampo ni Pacquiao minaliit lang ang isinampang kaso ng Paradigm Sports

Minaliit lamang ni Senator Manny Pacquiao ang kasong isinampang breach-of-contract lawsuit ni Paradigm Sports’ Audie Attar.

Sa isang pahayag ni Dale Kinsella, na kumakatawan sa kampo ni Pacquiao layon lang umano ng asunto na pigilan ang mega-fight nito kay Errol Spence Jr.

Napaulat na dinemanda si  Pacquiao ng Paradigm Sports, na isang ahensya na sinalihan noon ng eight-division champion noong February 2020.

Sinabi sa ulat ng The Athletic na inihayag ng nasabing ahensya na nagha-handle sa career ni UFC star Conor McGregor, na lumabag umano si Pacquiao sa kanilang kasunduan matapos nitong pumirma para labanan si Spence Jr.

Nabanggit rin sa ulat na inakala ng Paradigm na pipirma si Pacquiao sa kasunduan para labanan si Mike Garcia, na isang laban na kanilang isinailalim sa negosasyon.

Kasama sa demanda ang damages na nagkakahalaga ng $3.3-million, at pati na rin ang request para sa injunction na pipigil sa Pacquiao-Spence fight.

Kung maalala ay pumasok ang Filipino champ sa Paradigm matapos mapag-usapan ang posibleng laban sa pagitan nina Pacquiao at McGregor.

Pero hindi na ito natuloy matapos talunin ni Dustin Poirier si McGregor sa UFC, na dahilan para mapag-usapan naman ang posibleng laban sa pagitan nina Pacquiao at Garcia.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *