Kapitan ng Brgy. Maroroy sa Daraga, Albay, handa umanong ipatawag ang ALECO upang sumuri at kumpirmahin kung may illegal connections sa lugar

LEGAZPI CITY – Nakahanda ang kapitan ng Brgy. Maroroy, Daraga, Albay na ipatawag ang management ng Albay Electric Cooperative (ALECO), Inc. upang personal na suriin at bisitahin ang lugar nang sa gayon ay makumpirma kung totoo ngang mayroong illegal connection sa kuryente na nagaganap sa lugar.

Ito ay kasunod ng alegasyong nakarating sa ALECO na marami umano ang nagsasagawa ng illegal connection partikular sa mga disconnected o putol na power lines ng ilang konsumidores sa nasabing barangay.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Kapitan Toto Lubiano, sinabi niya, nang makita niya ang pahayag ng kooperatiba tungkol sa illegal connection sa kanilang barangay, una umanong pumasok sa kanyang isipan ay hintaying magliham ang ALECO sa kanyang tanggapan upang i-verify ang natuklasang impormasyon.

Inaasahan umano nito na magsasagawa ng survey ang ALECO upang talagang masuri at makumpirma ito.

Samantala, sa ngayon ay hindi pa masasagot ni Lubiano kung marami talaga ang nagsasagawa ng nasabing iligal na aktibidad sa kanilang lugar dahil unang-una wala naman umano siyang alam sa kuryente.

Dagdag pa niya, wala rin siyang alam pagdating sa mga kuntador ng kanyang mga kabarangay at hindi niya rin alam kung paano nila isinasawa ang illegal connection.

Aniya, wala umano siya sa karapatang magsalita kung marami o kung ilan sa mga residente ang gumagawa nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *