Kaso ng Dengue sa Camarines Norte umabot nasa 108

CAMARINES NORTE- Umaabot na sa 108 ang mga naitatalang kaso ng Dengue sa lalawigan ng Camarines Norte.

Batay ito sa datos ng Department of Health mula Enero hanggang Hunyo 18 nitong taon kung saan pumangalawa ang lalawigan sa may pinakamataas na kaso sa rehiyon

Nitong Biyernes ay nagpalabas ng abiso sa publiko ang DOH patungkol sa tumataas na kaso ng Dengue.

Ang dengue fever ay isang impeksiyon na sanhi ng isang virus na dinadala ng mga lamok na Aedis Aegypti.

May apat na klase ng virus na dengue, ang bawat isa ay maaaring magdulot ng lagnat (dengue fever) at lagnat na may pagdurugo (dengue hemorrhagic fever).

Kabilang sa sintomas ng Dengue ay ang pagkakaroon ng biglaang pagtaas ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, sakit ng kalamnan at kasu-kasuan, kawalan ng ganang kumain, pagkahilo, pagsusuka, at pamamantal sa balat.

Ang Dengue ay maaring magdulot ng kamatayan lalo na kapag hindi naagapan.

Ayon sa DOH, ang bawat indibidwal ay hinihikayat na sundin ang 4S strategy kontra Dengue at ito ay suyurin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok, sarili ay protektahan laban sa lamok sa pamamagitan ng paggamit ng long-sleeves o pantalon at insect repellant, sumangguni agad sa pinakamalapit na gamutan kapag nakaramdam ng sintomas para hindi lumala ang sakit, at suportahan ang fogging para sa mga lugar na may pagtaas ng kaso sa loob ng dalawang linggo upang maiwasan ang outbreak.

Ugaliin din na sundin ang 4 o’clock habit, para suyurin at sirain ang posibleng tirahan ng lamok sa bahay, opisina o eskwelahan.

Ang mga lokal na pamahalaan naman ay hinihikayat na sundin at ipatupad ang mga polisiya at pamamaraan upang maiwasan ang paglaganap ng Dengue.

Sa hiwalay namang datos na nakalap ng Brigada News FM Daet mula kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, mas mababa ang naitalang bilang ng mga tinamaan ng Dengue na hindi pa umabot sa isang daan.

Gayunman mayroon pa umanong idagdag sa listahan.

Batay sa partial data mula sa PHO ang bayan ng Daet ang may pinamakataas na kaso ng Dengue sa lalawigan mula Enero hanggang Mayo 22 na mayroong 41.

Sinusundan ito ng Basud na mayroong labingdalawa, siyam sa Mercedes, pito sa Labo, lima sa Jose Panganiban, apat sa Talisay at Vinzons, tatlo sa Paracale, dalawa sa San Vicente at isa sa Sta Elena.

Habang wala namang naitalang kaso sa nabanggit na panahon sa San Lorenzo Ruiz at Capalonga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *